Todo ang suporta ni Marian Rivera kay Jennylyn Mercado bilang katambal ng kaniyang asawang si Dingdong Dantes sa Pinoy adaptation ng "Descendants of the Sun."

Si Dingdong ang gaganap bilang si Captain Lucas Manalo at si Jennylen naman si Dra. Maxine Kang.

"Si Jen talaga bagay naman si Jen du'n, at saka ang dami nang nagawa ni Jen na Kore-Korean eh," pahayag ni Marian sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.

Excited na rin aniya si Dingdong na maka-eksena niya si Jen, na first time niyang magiging love team sa isang series.

"Sobrang happy at saka sobrang excited dahil alam ko sobrang galing ng pagganap ni Jen ng Dr. Kang 'di ba? and I'm looking forward na ma-shoot na namin lahat ng mga scenes together," ani Dingdong.

Samantala, tiniyak naman ni Marian sa kanilang DongYan fans na gagawa sila ng paraan ng kaniyang mister para magkasama sila sa proyekto.

"Huwag silang mag-alala dahil gagawa kami ng paraan ni Dong na magkakasama kaming dalawa. Hindi man ngayon but next year sisiguraduhin namin magkakasama kaming dalawa," sabi pa ni Marian.

Sa darating na Linggo, nagbabalik na si Marian sa variety show na "Sunday PinaSaya."

"Sabi ko nga sa kanila huwag muna 'yung full load kasi siyempre mangangapa uli ako. Gusto ko unti-unti muna," anang aktres.--Jamil Santos/FRJ, GMA News