Hindi pa rin sang-ayon si Sunshine Dizon sa ginagawa ng mga kabit maliban na lang daw kung ang kinakaharap nitong sitwasyon ay tulad ng role niya bilang mistress sa pinakabagong Kapuso series na “Magkaagaw.”

"Ganon pa rin naman, ako pa rin 'yung inaapi ibang situation lang. It's more of a suspension of disbelief kasi in real life, ayoko talaga ng kabit," saad ni Sunshine sa reporters ng press conference ng "Magkaagaw" nitong Lunes.

Gagampanan ni Sunshine ang karakter ni Laura, na walang kaalam-alam na kabit pala siya ng karakter ni Alfred Vargas na si Mario.

Ayon kay Sunshine, iba ang sitwasyon ng kaniyang karakter dahil hindi niya alam na dati pa lang ikinasal ang kaniyang iniibig.

"Iba naman kasi 'yong situation ni Laura kasi she was put in that situation na wala siyang laban because all the while niligawan siya, pinakasalan siya. How could she have known na merong palang prior marriage," ani Sunshine.

Inilahad ni Sunshine na ginanap ang setting ng “Magkaagaw” noong 90s kung saan wala pang Certificate of No Marriage Record o CENOMAR sa Pilipinas.

"'Yong sinasabi kong actual na basis na the story was set 1990s and at that time wala talagang way si Laura para i-check kasi wala pang CENOMAR. I hope that is clear with the audience," dagdag ni Sunshine.

Ayon pa kay Sunshine, "totally different story when you know that someone is married with kids. Bakit mo papasukan 'yong sitwasyon? Maling mali 'yon."

At nang tanungin kung mag-iiba na ba ang kaniyang pananaw o mauunawaan na niya ang sitwasyon ng mga mistress, sinabi ni Sunshine na kahit kailan ay hindi siya sasang-ayon sa kanila lalo kung alam nila na pamilyado ang kanilang iniibig.

"Mauunawaan ko kung parehas ng sitwasyon ni Laura, maawa ako sa 'yo, pero if you did it knowing na meron kang sinsirang pamilya, that is a different story. I will never agree with you. Sorry to say that," saad ni Sunshine.

Ikinasal si Sunshine kay Timothy Tan noong 2010 at nagkaroon ng dalawang anak. Matapos ang anim na taon, naghiwalay din sila at sinampahan ni Sunshine si Tim ng kaso dahil sa pagkakaroon umano ng ibang karelasyon.

Sinampahan si Timothy ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 at concubinage. Ngunit iniatras din ito ni Sunshine noong 2017 para sa kapakanan ng kanilang pamilya.

Mapanonood ang "Magkaagaw" sa GMA-7 sa Oktubre 21. Kasama rin sa  drama series sina Klea Pineda, Jeric Gonzales, Sheryl Cruz, Patricia Tumulak, Lovely Abella, Dennis Padilla, Polo Ravales at Isay Alvarez.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News