Kompleto na ang lineup para sa 2019 Metro Manila Film Festival matapos i-anunsyo ang final four entries. Ang ilang pelikulang kalahok, pagbibidahan ng mga Kapuso star.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kasama sa festival ang pelikula nina Comedy Queen AiAi Delas Alas at Jennylyn Mercado, na "3pol Trobol Huli Ka Balbon," kasama si Coco Martin.

Si AiAi na biyaheng US para All 4 You: The Clash Concert, nagpahayag ng kasiyahan dahil nakasama siyang muli at mapapanood sa MMFF.

Bibida naman sa historical movie na "Culion" si Jasmine Curtis-Smith, at sa pelikulang "Write About Love" naman mapapanood si Rocco Nacino.

Muling nagbabalik naman ang tambalan nina Bossing Vic Sotto at Maine Mendoza sa “Mission Unstapabol: The Don Identity.”

Kalahok din ang pelikulang "Mindanao" ni multi-awarded director Brillante Mendoza; “The Mall, The Merrier”'; at “Miracle in Cell No. 7.

Pagbibidahan naman ni Sarap 'Di Ba? host Carmina Villaroel ang horror movie entry ngayong taon na "Sunod."

"It's eerie, it's creepy. For some strange reason while doing the scene bigla na lang akong hindi makahinga. Bigla nang nag-anxiety attack na ako. So nag-stop shooting muna kami for awhile ," kuwento niya.

Gaganapin sa Disyembre 22 ang Parade of Stars sa Taguig, habang sa Disyembre 27 naman ang awarding na idaraos  sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News