Wala umanong official passport record sa Department of Foreign Affairs ang pambato ng Pilipinas sa Miss Grand International pageant na si Samantha Ashley Lo. Inihayag ito ng isang opisyal ng DFA kasunod ng ilang ulat na pinigil sa Paris, France at pinadeport ang Pinay beauty queen.

Patungo sana si Lo sa Venezuela kung saan gaganapin ang kompetisyon sa Oktubre 25, nang harangin siya ng mga awtoridad sa Paris.

Sa isang pahayag nitong Biyernes ng DFA, sinabing pinigil at tinanong ng French authorities si Lo kaugnay sa dala niyang pasaporte.

"The Department of Foreign Affairs received reports that Binibining Pilipinas-Grand International Samantha Ashley Lo was unable to continue her journey to Caracas due to alleged issues with her passport," sabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Ed Meñez.

"Based on an ongoing investigation, the DFA confirms that Ms. Lo has no record in the DFA passport database and is continuing the process of ascertaining the facts of the case," dagdag ng opisyal.

Sinabi rin ni Meñez na ang organizer na ng Binibining Pilipinas ang makasasagot sa iba pang katanungan.

Walang opisyal na pahayag na inilalabas ang Bb. Pilipinas Charities Inc. sa nangyari kay Lo at kung siya pa rin ba ang ilalaban sa naturang kompetisyon.

READ: Fans at kapwa-beauty queens, nag-aalala kay Samantha Ashley Lo na lalaban sa Ms. Grand Int'l 2019

Kamakailan lang ay nagpahayag ng pag-aalala ang ilang pageant fans at mga kapwa niya beauty queen nang wala silang nakitang larawan ni Lo, o balita kung nasaan na siya dahil hindi siya nakita sa pre-pageant activities at presentation ng mga kandidata sa Venezuela.

Umalis ng Pilipinas si Lo noong October 9 at nag-post pa siya sa Instagram ng kaniyang pre-departure photo. -- FRJ, GMA News