Naiuwi ng Kapuso star na si Janine Gutierrez ang Best Actress trophy sa ginanap na 2019 QCinema Film Festival nitong Biyernes ng gabi.

Ang parangal ay tinanggap ni Janine para sa pagganap niya bilang probinsiyang walang muwang sa buhay na napadpad sa Maynila sa pelikulang "Babae at Baril," na pasok sa Asia Next Wave competition.

 


Nakuha naman ng direktor ng naturang psychological thriller movie na si Rae Red ang Best Director award.

Kasama ni Janine bilang nominado sa Best Actress category sina Maudy Kausnaedi (Ave Maryam), Dionne Monsanto (Kaaway sa Sulod), at Ianna Taguinod (Cleaners).

Sa "Babae at Baril," ginampanan ni Janine ang role ng isang sales lady na galing sa probinsiya na magkakaroon ng pagbabago sa buhay matapos makapulot ng baril.

READ: Janine sa role niya sa 'Babae at Baril': 'Wala talaga akong character na quite like this one'

Nagwagi ang pelikula ng Gender Sensitivity Award.

Mapapanood ang "Babae at Baril” sa ilang piling sinehan hanggang sa October 22. —FRJ, GMA News