May paliwanag si Betong Sumaya kung bakit wala pa rin siyang love life hanggang ngayon kahit pa limang taon na ang nakalilipas nang maging single siya.

"Feeling ko parang 'pag hinahanap mo siya, hindi nagiging okay, so dapat talaga, hintayin na lang," saad ng Kapuso comedian sa video ng Kapuso Showbiz News para sa gaganaping "Betong’s Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?”

Natanong din si Betong kung nais ba niyang taga-showbiz ang maging kasintahan niya.

"Okay din naman po. Kaya lang, minsan kasi andami nating mga storya na naririnig, mga nalalaman na hindi nagwo-work, minsan nagwo-work. 'Yung iba hindi nagwo-work ang relationship ng artista sa artista, pero siyempre, mas maganda, mas naiintindihan nila pagdating sa inyong trabaho," pahayag ng "Bubble Gang" star.

Limang taon na raw ang nakararaan mula nang huli siyang magkaroon ng karelasyon.

"Siguro five years ago po yata, non-showbiz po. Ngayon po, masaya na po siya kasama po ang asawa niya," natatawa niyang sabi.

Ayon kay Betong, aasahan sa kaniyang concert ang mga Kapuso star tulad nina Michael V., Dingdong Dantes, at Alden Richards.

Hatid ng GMA Artist Center at Michael Angelo Productions, gaganapin ang birthday concert ni Betong sa Music Museum sa Nobyembre 21.-- FRJ, GMA News