Para mas makilala at maunawaan ang katrabaho, sinabi ni Jasmine Curtis-Smith na nais niyang malaman ang ilang detalye sa buhay nito.

"Siyempre magkakaroon din ng usapan between actors kasi talaga, maraming downtime 'pag nasa set. Nagkaroon kami ng chance na mag-share sa isa't isa ng personal history namin, bawat actor na nakaka-work ko, ganoon talaga ako. I try to get to know them, their past, their history, with whatever they want to share sa aspect ng life nila," sabi ni Jasmine sa bloggers' conference ng pelikula niyang "Cara X Jagger" nitong Martes.

"Not necessarily relationships or love, even family, gusto kong nalalaman 'yun kasi it makes me understand them better as an actor. At saka kung meron man akong eksena na kasama 'yung actor na 'yun, it helps me and sana, 'yung nakausap ko rin, na nakatulong din sa kaniya 'yung pag-share or 'yung pagiging open, pagiging comfortable sa akin, mga ganu'ng bagay," pagpapatuloy ni Jasmine.

Pero paglilinaw ni Jasmine, sinasarili niya ang mga impormasyong ibinabahagi sa kaniya.

"I'm a very confidential person. Marami akong alam na chismis," natatawa niyang sabi.

Ganito rin umano ang ginawa niya sa katambal niyang si Ruru Madrid sa "Cara X Jagger."

Inilahad ni Jasmine na may close friend siya na nakatrabaho niya sa isang dating Kapuso series, at nakakuwentuhan tungkol kay Ruru.

"Naging kapatid ko kasi siya (friend). We were 'Roces sisters' okay!," nakangiting sabi ni Jasmine.

Kaya naman naintindihan daw ni Jasmine kung nakaramdaman noon ng pagkailang sa kaniya si Ruru noong nagkita sila sa programang "Sunday PinaSaya."

"Instead of jumping into conclusions na 'Ay, snob!' ganiyan, what we do is 'Siguro nahihiya, or hindi lang alam kung paano mag-a-approach kasi nga baka ina-assume niya na meron na akong bias against him.' I'm being honest because, 'di ba, ma-assess nga kami talagang tao," sabi ni Jasmine.

Kaya sa halip na hayaan niyang mangibabaw ang mga nalaman niya tungkol kay Ruru, mas kinilala muna niya ang aktor.

"So anyway, hindi ko siya (Ruru) in-assume to be anything personality-wise. I guess noong workshop namin, doon na lang ako nagkaroon ng konting, 'Ay, Mr. Suave itong si Ruru.' Marunong sa tao. Kumbaga you (si Ruru) know how to move. Kahit na nahihiya ka, you know how to not show it, ipu-push mo pa rin 'yung sarili mo maging confident sa harap ko," ani Jasmine.

Nagpasalamat naman si Ruru kay Jasmine dahil hindi ito naging bias sa kabila ng mga kuwento tungkol sa kaniya.

"Hindi siyempre, 'yun 'yung naiisip ko talaga kasi matagal din silang nagkatrabaho and for sure marami na rin siyang nalaman about me dahil alam na niya 'yung mga katrabaho ko. So, in-expect ko na susungitan ako nito, in-expect ko na na baka hindi ako pansinin, pero, nagkamali ako," saad ni Ruru.

"As in, kinausap ko siya tungkol doon eh. Sinabi ko sa kaniya na, for sure alam mo naman (kinausap si Jasmine) 'di ba ang mga nangyayari, at kumbaga wala kang bias, ganiyan, kasi mas close sila, pero hindi. As in sabi niya sa akin na, 'Bakit naman ako magiging bias eh nagtatrabaho tayo ngayon?'" sabi pa ni Ruru.   

Komportable na raw sina Jasmine at Ruru sa isa't isa.

"We got to a point na comfortable na kami mag-asaran, na magkulitan, 'yun nga, naging friends na rin kami. So it's nice kasi na-o-overcome 'yun and minsan, 'yun 'yung pinakamahirap na part lalo na kung kailangan niyong i-portray na you're in love with each other or you have the pain of new breakups," sabi ni Jasmine.

Sa "Cara X Jagger," gumaganap si Jasmine bilang si Cara, ang babaeng may nakaraan kay Jagger, na karakter naman ni Ruru. Dahil sa aksidente, malilimutan ni Jagger ang lahat nang dahil sa amnesia.

Ngunit mahihirapan naman si Cara na kalimutan na ang nakaraan dahil sa kondisyon niyang Hyperthymesia, kung saan naaalala niya ang halos lahat ng detalye na nangyayari sa kaniyang buhay.

Napapanood ngayon ang "Cara X Jagger" sa mga sinehan. --FRJ, GMA News