Sa kabila ng mga bali-balitang nagkaroon ng pagtatalo ang rumored couple na sina Ruru Madrid at Bianca Umali, nakita naman silang magkasama sa ginanap na GMA Thanksgiving Party nitong Huwebes ng gabi. Ano nga ba ang real score sa kanilang dalawa?

Unang lumabas ang usapan-usapan na nagalit umano si Bianca kay Ruru dahil sa selos matapos ang premiere night ng pinagbibidahang pelikula nina Ruru at Jasmine, na "Cara X Jagger" kamakailan.

Dumalo sa naturang premiere night si Bianca para magpakita ng suporta sa dalawa.

Pero matapos nito, sinasabing nagkaroon daw ang away sina Bianca at Ruru, at muntik pa raw ma-sideswipe ng aktres ang aktor sa parking lot ng mall.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nagbigay ng pahayag si Ruru matapos na dumalo sa Havana nights GMA Thanksgiving Party kasama si Bianca.

Nakuhanan pa ng GMA News ang nag-uusap ng dalawa at inaalalayan ni Ruru si Bianca.

"Sa akin it is better na 'wag na lang mag-comment kasi nga kung magko-comment ako, wala naman kasing nangyari talagang ganoon," sabi ni Ruru.

"Nakakalungkot kasi bakit pa may mga lumalabas na ganu'ng bagay kasi para sa akin, hindi na kailangan pang lagyan ng mga... Kasi of course may mga maaapektuhan eh, may mga magmumukhang masama pero wala naman pong nangyaring ganu'n. So para sa akin it's better na 'wag na lang pag-usapan," dagdag ng aktor.

Pagkaklaro pa ni Ruru, hindi nawala ang komunikasyon nila ni Bianca, at hindi rin sila nagdededmahan matapos lumabas ang mga bali-balita.

"Lagi kaming nag-uusap, almost everyday tungkol sa kung ano-anong bagay," ani Ruru.

Nang tanungin naman si Ruru kung ano ba ang tunay na estado ng relasyon nila ni Bianca, nakangiting sagot ng Kapuso leading man, "We are very close."

Hindi muna nagbigay ng pahayag si Bianca, samantalang hindi nakadalo sa GMA Thanksgiving Party si Jasmine.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News