Isiniwalat ng kapatid ni Matteo Guidicelli na si Paolo, na isang taon nang engaged ang aktor sa nobya nitong si Sarah Geronimo.

Sa ulat ni Arniel C. Serato sa PEP.ph, sinabing ginawa ni Paolo ang rebelasyon sa pamamagitan ng kaniyang Instagram Stories nitong Huwebes,  November 7.

Sa naturang post ni Paolo na screenshot ng larawan nina Sarah at Matteo mula sa IG post ng kaniyang kapatid, makikita ang singsing ng actress-singer.

Marami ang nag-akala na kahapon lang naging engaged ang magkasintahan dahil sa nakitang singsing at caption ni Mateo na: "I love you my love, now and forever," na may kasama pang hearth emoji.

LOOK: Sarah Geronimo, Matteo Guidicelli now engaged; flash ring on Instagram

Pero saad ni Paolo sa caption sa kaniyang IG story: "Congrats. They were engaged for about a year now. It was just a secret."

Dagdag pa nito, “Nobody found out (ring emoji) HAHAHHA.”

 


Lumalabas na isang taon nang engaged ang dalawa pero nitong Huwebes lang nila ito ianunsiyo.

Ayon sa ulat, June 2014  nang inamin ni Sarah na boyfriend na niya si Matteo. -- FRJ, GMA News