Nagkaayos na sina Marian Rivera at ang dati niyang manager na si Popoy Caritativo, na matagal na raw ipinanalangin ng aktres. At ang kaniyang naging tulay para matupad ito, ang kaniyang kaibigan at kapwa-Kapuso na si Dennis Trillo.

Si Popoy ang dating manager ni Marian. Ngayon, kabilang sa mga hawak na talent ni Popoy si Dennis.

"Humingi ako ng tulong kay Dennis... Ayun, kinulit ko siya nang kinulit. Tapos sabi ko kay Jennylyn, 'Jennylyn, ha. Ano 'yan, ipaalala mo nang ipaalala kay Dennis 'yan, ipaalala mo 'yan.' Sabi, 'Oo Yan, oo Yan,'" kuwento ni Marian sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Bukod dito, maayos na rin ang lahat kina Marian at Lovi Poe na dati ring naintriga na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.

Nagkita kamakailan ang dalawa sa "Sunday PinaSaya" at wala umanong sabi-sabi na nagyakapan sila at nagkumustahan.

"Nag-text din ako sa kaniya, sabi ko happy ako na nakita ko siya. Sabi niya, ganu'n din, tapos goodluck sa movie niya," sabi ni Marian.

Pahayag pa ng aktres, masaya siya sa mga pangyayari.

"Sino ba namang tao ang gustong may iiwasan, na may kagalit, 'di ba? Mas masarap lahat masaya, walang iniiwasan," ani Marian.

Sa video naman ng GMANetwork.com, sinabi ni Marian na hindi nawala ang pagmamahal niya sa kaniyang manager na si Popoy.

"Sabi ko nga, hindi ko na i-e-elaborate si Popoy kasi siyempre, hindi naman ako nakipagbati para, alam mo 'yun..." sabi ni Marian.

"Basta, mahal ko siya mula noon hanggang ngayon at kung nasaan man ako ngayon ay utang na loob ko rin sa kaniya. At ang utang na loob na ito tatanawin kong utang na loob hanggang sa nabubuhay ako, at i-e-extend ko 'yan," sabi pa ng aktres.

Ikinukuwento nga raw niya si Popoy sa kaniyang mga anak.

"Actually kahit si Zia sinabi ko sa kaniya, 'Pupunta tayo kay Mamsie. Kilala mo ba kung sino si momsie? Si momsie ay ganito sa buhay ko.' So very vocal ako sa mga anak ko kung ano 'yung nagawa ni Popoy sa buhay ko at ipinagpapasalamat ko sa buong buhay ko 'yun," saad ng aktres.

 

Nakapanayam si Marian sa press conference para ini-endorso niyang home scent, kung saan Filipiniana-inspired ang kaniyang suot.

Mas gusto ni Marian ang mga locally-made kaya wala na siyang imported na mga outfit at accessories.

"Nakita ko kung gaano kaganda at galing ng Pinoy sa paggawa talaga ng iba't ibang klaseng produkto," saad ng Kapuso Primetime Queen.

Kaya kahit sa pagbabakasyon, mas gusto niyang unahin muna ang mga lugar sa Pilipinas.

Kauuwi lamang ni Marian kasama si Dingdong at mga anak na sina Zia at Ziggy mula sa ilang araw na bakasyon sa Bohol.

"Ang daming i-explore talaga sa pilipinas na ang gaganda talaga," saad ni Marian.-- FRJ, GMA News