Wala raw sa isip ng "Starstruck" Batch 1 na si Dion Ignacio na lisanin ang GMA-7, matapos siyang nag-renew ng kontrata sa Kapuso Network nitong Martes. Muli ring pumirma ng kontrata si Benjamin Alves, na pitong taon nang Kapuso.

 


"Minsan nga, tinatanong nga ako ng ibang fans, gusto ko bang lumipat? Sabi ko, 'Dito na 'ko.' Dito na 'ko lumaki sa GMA and, 'yung mga tao dito sobrang family na 'yung turing ko sa kanila," pahayag ni Dion sa reporters matapos ang kaniyang contract signing.

"So sabi ko, 'Hindi ko na naiisip 'yan, dito ako sa GMA, loyal ako dito,'" dagdag ni Dion na 16 na taon na sa GMA.

Mula nang makasama sa pinakaunang batch ng "Starstruck" Avengers noong 2003, naging magaling na aktor si Dion, at isa na ngayong ama, musician at businessman.

Inaasahan na mapanonood pa si Dion sa mga susunod na Kapuso shows.

"Kada may work silang binibigay sa akin, talagang binibigay ko 'yung lagpas 100 percent. Thankful ako dahil sa trust nila sa kin," sabi ni Dion.

Nakabilang si Dion sa GMA-7 series na "Mulawin vs. Ravena" at "Victor Magtanggol."
Napanonood si Dion sa GMA Afternoon Prime series na "Magkaagaw," kasama sina Sunshine Dizon, Sheryl Cruz, Klea Pineda at Jeric Gonzales.

Samantala, itinuturing ding tahanan ni Benjamin ang GMA nang tanungin siya ng showbiz press matapos na pumirma ng kontrata bilang Kapuso.

"This has always been my home," saad niya. "I've always felt that from the time when I started."

Opisyal na naging Kapuso ang Guam-born na aktor at model noong 2012 at napabilang sa mga sinubaybayang GMA shows tulad ng "Dahil sa Pag-ibig," "Sahaya," at "Magpakailanman."

Nakakuha rin ng magagandang reviews ang husay niya sa dramatic acting, nang bumida siya sa 2013 romance na "Sana Dati" kung saan nakasama niya si Lovi Poe at Paulo Avelino.

Bukod pa rito, graduate rin si Benjamin bilang isang summa cum laude ng English Literature sa University of Guam. Naging ambassador din siya ng prestihiyosong GMA Network Excellence Award (GNEA).

"Humbled and honored na, after all these years, they...still believe in me and they let me grow as an artist and also as a person," sabi ni Benjamin, na willing pang tumanggap ng ibang proyekto sa GMA Network.

Present sa contract signing nina Dion at Benjamin sina GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable, GMA AVP for Alternative Productions Gigi Lara at GMA Artist Center Senior Talent Manager Daryl Zamora. Sinamahan si Benjamin ng kaniyang manager na si Jonas Gaffud.--Jamil Santos/FRJ, GMA News