Bukas si Betong Sumaya sa pagsali sakali mang magkaroon ulit ng Survivor Philippines. Hangad kaya niyang manalong muli tulad sa Celebrity Doubles Showdown noong 2011?

"Gusto ko siyang gawin ulit. Pero in terms of kung mananalo, parang... Hahaha! Feeling ko kasi, kung all-star kasi, dahil nanalo na, baka hindi na nila bigyan ulit ng chance. So parang 'Nanalo na 'yan eh' alam mo 'yun? May gano'n tayo. Pero not unless magkaroon ng twist and something, eh why not?" sabi ni Betong sa video ng GMANetwork.com.

"Sa ngayon nga 'pag iniisip ko 'Gusto ko ba talaga?' Kung pagdadaan ko ulit 'yung lahat ng pagod at hirap noon, kasi hindi siya biro talaga. Sobrang tindi ng Survivor, pero once in a lifetime experience 'yan eh, iba-ibang klase," pagpapatuloy ni Betong.

Sakali mang maging maayos ang kaniyang schedule, walang problema na sumali ulit si Betong sa naturang reality TV series.

"Basta okay ang schedule at ah, Hahaha! Okay naman ang lahat, kumbaga, kasi ang dami, schedule, 'yung work mo, usually igi-give up for almost a month. Basta maayos ang schedule why not, and okay lahat naman."

Nakatakdang mag-concert si Betong sa Music Museum na pinamagatang "Betong's Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?" sa Nobyembre 21 sa Music Museum. — RSJ, GMA News