Masaya si Lovi Poe dahil matapos ang mahabang panahon, nagkaayos at nagkausap na sila ni Marian Rivera.

"It's nice because nga when I went to Sunday PinaSaya, we finally got to have that encounter. We finally had the chance to talk. It was nice, it was really nice," saad ni Lovi sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.

Ayon sa ulat, isa ito sa mga nagpadagdag-saya kay Lovi bukod pa sa pagiging abala niya sa kaniyang career mula nang dumating siya mula sa mahabang bakasyon sa Amerika.

Matatandaang naintriga sina Lovi at Marian noon nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.

Samantala, sexy si Lovi sa black gown na binagayan pa ng nakalugay niyang diretsong buhok nang rumampa siya sa red carpet ng pinagbibidahan niyang pelikulang "The Annulment."

Tungkol ang pelikula sa mag-asawang tumabang na ang pagtitinginan, at "Graded B" ng Cinema Evaluation Board.

"'Nag-deteriorate dahil nga po sa iba't ibang obligasyon sa relasyon nila, 'yung parang iba-iba 'yung paniniwala nila, iba 'yung ambisyon. Tapos nandu'n na rin 'yung insecurities, pumapasok na din because the other one is so successful," paglalahad ni Lovi.

Happy rin ang Kapuso Prime Actress sa kanyang lovelife, kahit na long distance relationship sila ng kaniyang boyfriend na nasa Hollywood.

"Mahirap, of course, pero I think you always have to find beauty in something that's unusual. Ako naman, busy ako sa trabaho. Siya din naman busy din siya," ani Lovi.

Bumisita sa Pilipinas noong isang buwan ang boyfriend ni Lovi at isang buwan aniya siyang nanatili sa bansa. —Jamil Santos/NB, GMA News