Umabot na ang kasikatan nina Jillian Ward, Althea Ablan at Sophia Pablo bilang mga "Prima Donnas" sa Amerika at sa iba pang bansa dahil sa mga nakaaantig nilang eksena sa nabanggit na afternoon series.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing maraming netizens ang naantig sa reunion scene ng magkakapatid na sina Donna Marie, Donna Belle at Donna Lyn, na ginagampanan ng tatlo, at ng kanilang inang si Lilian, na ginagampanan naman ni Katrina Halili.

Sa naturang eksena, hindi muna kinilala ni Lilian ang tatlo sa pag-aakalang mga patay na sila.

Pero nang kantahin na ng magkakapatid ang kantang itinuro sa kanila ni Lilian noong mga bata pa sila, at nang ipakita ni Donna Marie ang kuwintas na inihabilin sa kaniya ng ina, naniwala na si Lilian kaya muli silang nagsama-sama.

Labis na ikinatuwa ng mga televiewers ng serye ang eksena, pero hindi pa roon nagtatapos ang kuwento, ayon kina Jillian, Sophia at Althea.

"Makikilala na natin ang totoo naming tatay," sabi ni Althea.

"At kung mabubuo na po ba sila o maglalayo-layo na naman sila, ano po ang managyayari sa buhay na naman ng magkakapatid," ayon naman kay Jillian.

"At siyempre po kung ano ang mangyayari kay Briamna pagkatapos niyang mabuking, kung mapapalayas po ba siya or mag-i-stay pa rin po siya doon," sabi ni Sophia.


Dumarami pa ang mga tagahanga ng tatlo at nagkaroon na rin sila ng kaniya-kaniyang fans club sa ipinakikita nilang husay.

"Gusto ko pong sabihin sa kanila, sobrang thank you," sabi ni Jillian.

"Gusto ko rin pong magpasalamat kasi nga hindi sila nagsasawang suportahan ako, hindi lang ako, pati po 'yung show pinanonood po nila," para naman kay Sophia.

"Sobrang saya kasi sa mga Facebook nakikita ko lang na thankful daw sila sa akin," ani Althea.

Labis ding ikinasaya ng tatlong young stars na umabot na sa Amerika at ibang bansa ang kanilang kasikatan bilang "Prima Donnas."

"Sobrang saya!" komento ni Althea.

"Mixed level na po 'yun eh, kumbaga hanggang sa ibang bansa po nakaka-inspire pa rin kami," sabi ni Jillian.

"Looking forward po ako na baka one day makapunta po kaming tatlo doon at ma-meet po namin sila," sabi ni Sophia.--Jamil Santos/FRJ, GMA News