Mula sa Youtube, dadalhin nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang kanilang "CoLove" session sa pamamagitan ng concert sa February 15, 2020.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas, sinabing ibabahagi ni Jennylyn at Dennis ang kanilang love story sa pamamagitan ng kanilang mga awitin.

Bukod sa kilig, mayroon ding mga awitin tungkol sa pagmamahal sa mga magulang, kapatid, at iba pa.

Sa pamamagitan din daw ng mga kanta nila sa concert, ikukuwento nina Jennylyn at Dennis ang kanilang love story.

“Para siyang celebration ng love at saka ng music,” sabi  ni Dennis.

“Sa pamamagitan ng mga songs namin, ikukuwento namin 'yung journey namin sa love; kung ano yung experiences namin, kung paano kami nagsimula, at kung paano namin narating 'yung stage na ito,” patuloy niya.

Sabi naman ni Jennylyn, may mga inihanda rin sila na magagandang awitin na halos nakalimutan na ng iba.

“Ang daming magagandang kanta na nakalimutan na natin dahil ang dami nang lumalabas, 'di ba? Pero gusto namin siyang ibalik at gusto namin ipaalala sa mga tao kung gaano siya kagaganda 'yung mga kanta noon,” saad ni Jennylyn.

Mapapanood ang CoLove Live sa February 15 sa New Frontier Theater, sa Araneta City.-- FRJ, GMA News