Naging matagumpay ang pagbisita ng Eat Bulaga Dabarkads sa Dubai, U.A.E. matapos silang maghatid ng saya at tawanan sa mga kababayan doon. Ang isang Pinay na nandoon, namangha sa dami ng mga tao.

"Nagtatrabaho po ako dito for ten years at never pa ako nakakita ng ganito kahabang pila ng mga Pilipino para manood ng isang event. Ang Eat Bulaga talaga, sobra po silang iconic TV noon time show sa Pilipinas," sabi ni Delia Valenzuela, isang OFW sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes.

Naaliw ang mga Kapuso abroad sa performances ng cast ng Eat Bulaga sa event na ginawa sa Dubai World Trade Center noong Biyernes.

Nagpakilig ang muling pagsasama ng tambalang "AlDub" nina Alden Richards at Maine Mendoza sa dance performance.

Hindi rin natigil ang hiyawan nang bumaba si Alden mula sa stage habang hinaharana ang audience. Si "Phenomenal Star" Maine Mendoza naman, hindi nagpahuli na nagstand-up comedy na, kumanta pa.

Nag-perform din ang iba pang Dabarkads na sina Pauleen Luna, Allan K, Ryzza Mae Dizon, Baeby Baste, Vic Sotto at Joey de Leon na talaga namang kinagiliwan.

"Sana po'y mapadalas ito... Dubai (goodbye) for now pero we'll see you again," sabi ni Joey.

"Sa lahat ng Dabarkads na nakasama natin ngayong gabi dito sa World Trade Center sa Dubai maraming maraming salamat. Sana'y nag-enjoy kayo," ayon naman kay Vic.

Dahil papalapit na ang Pasko, pinadama din ng Dabarkads ang Christmas spirit sa mga Pinoy abroad sa isang awitin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News