Naibalik na kay Heart Evangelista ang nawala niyang pet dog na si "Casper." Alamin ang mga dapat gawin kapag nawala ang alagang hayop.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras' nitong Martes, sinabing nitong Lunes nawala ang white maltese dog ni Heart na si "Casper" matapos makalabas ng kanilang bahay sa Quezon City.

Kaagad na nag-post si Heart sa social media ng panawagan para humingi ng tulong na maibalik sa kaniya ang alaga.

Nag-alok din siya ng pabuya sa magsasauli kay Casper.

Makaraan umano ng ilang oras,  naibalik si Casper sa tulong ng isang driver.

Sa kaniyang Instagram, nagpasalamat siya sa mga tumulong, lalo na kay Victor na nakahanap at nagbalik sa kaniya kay Casper.

Ayon sa Philippine Animal Welfare Society o PAWS, sa isang araw ay nakatatanggap sila ng dalawa hanggang apat na request for assistance  tungkol sa nawawalang aso.

Paliwanag ni Anne Cabrera, executive director ng PAWS, dalawa ang pangunahing dahilan  kung bakit tumatakbong palabas ang mga aso.

Isa na rito ang paghahanap ng pagkain at ang isang pa ay sex drive, o paghahanap ng "mate" kaya makabubuti umano na ipakapon ang mga alaga.

Kapag nawala ang alaga,  dapat daw na magtanong agad sa city or barangay pound dahil "pinapatulog" na ang mga asong hindi kukunin sa loob ng tatlo o apat na araw.

Bukod sa paggamit sa social media, makabubuti rin kung magpapaskil ng mga anunsyo at larawan ng alaga sa lugar kung saan ito huling nakita.

Puwede rin umanong lagyang ng identifying marks o collar ang mga aso kung saan nakalagay ang telepono na puwedeng tawagan ng makakakuha sa kaniya. Habang may iba naman na pinapa-micro chip ang alaga nila.-- FRJ, GMA News