Inamin ni Glaiza de Castro, 31, na nakahanap na siya ng potential boyfriend na irereto sa close friend niyang si Angelica Panganiban, 33.

"Meron, actually. Marami na akong nakikitang puwede," napapangiting saad ni Glaiza.

Foreigner boyfriend din daw ang gusto ni Glaiza para kay Angelica.

Si Glaiza ay mahigit isang taon nang karelasyon ang Irish boyfriend niyang si David Rainey.

Kaya usapan daw nila ni Angelica, "Parang sinasabi ko nga sa kanya, 'Baka amiga hindi tayo pangdito."

Ang tinutumbok ni Glaiza ay hindi sa Pilipinas kundi baka taga-ibang bansa ang lalaking nakalaan para sa kanila ni Angelica.

Tingin ba niya ay bukas si Angelica sa pakikipagrelasyon sa isang foreigner?

Tawa nang tawang sabi ng Kapuso actress, "Open yun! Io-open ko siya!"

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang reporters si Glaiza sa 37th Luna Awards Nominees' Night, na ginanap sa Delgado Restaurant, Tomas Morato, Quezon City, Miyerkules ng gabi, November 20.

Sa tagal ng pagkakabigan nila, nasaksihan na ni Glaiza kung gaano katinding magmahal si Angelica.

"Hindi lang sa boyfriend, pati sa pamilya at mga kaibigan, so talagang wala akong masasabi," ani Glaiza.

Sa kabila ng heartbreaks noon ni Angelica, naniniwala si Glaiza na kaya pa ring magmahal nang lubos ng Kapamilya actress sa susunod nitong relasyon. -- For the full story, visit PEP.ph