Magkakasama sina Barbie Forteza, Kate Valdez, Dina Bonnevie at Snooky Serna para sa television remake ng 80's hit movie na "Anak ni Waray vs Anak ni Biday."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing palabang bisaya muli ang gagampanang role ni Barbie, tulad ng kaniyang karakter na minahal ng mga manonood sa dati niyang seryeng "Inday Will Always Love You."

"Very strong 'yung personality, sobrang uplifting, so magandang character din talaga siyang i-portray ang mga Bisaya," sabi ni Barbie.

Ayon pa kay Barbie, exciting ang bago niyang serye dahil sa story conference pa lang ay makikita nang maraming pupuntahan ang kanilang istorya.

Si Kate naman ang gaganap bilang isang sopistikadang Ilokana.

"Sobrang saya ng puso ko at sobrang excited ako kasi ang gaganda ng cast," ani Kate.

Magiging ina nila ang 80s babies na sina Dina at Snooky.

Si Snooky ang dating gumanap na anak ni Biday sa pelikula. Pero sa naturang TV series, gaganap naman siya ngayon bilang ang Waray na si Amy.

"Ang dad ko is from Leyte talaga so Waray talaga ako actually, so magpapaturo na lang ako sa family ko para mas authentic talaga," sabi ni Snooky.

Fierce Ilocana naman na si Susie ang role ni Ms. D, na bagama't walang dugong Ilocano ay itinuturing naman niyang hometown ang Ilocos dahil sa kaniyang mister.

"Matuto ng mag-Ilokano because of the husband 'di ba pero now that I'm playing Biday it’s really gonna be something that’s gonna be close to my heart," ayon kay Dina.

Makakasama rin sa serye ang mga batikang artista na sina Celia Rodriguez, Teresa Loyzaga, Jay Manalo, Migo Adecer at Faith da Silva.

Aabangan ang "Anak ni Waray vs Anak ni Biday" sa GMA Primetime.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News