Umaatikabong drama ang tiyak na ihahatid ng TV adaptation ng award-winning 80's movie na "Bilangin Ang Bituin Sa Langit," na pagbibidahan nina Nora Aunor,  Kyline Alcantara at Mylene Dizon.

Maliban sa mga batikang aktres na nabanggit, ang magiging direktor ng upcoming series ay ang award-winning actress-director na si Laurice Guillen.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  inamin ni Kyline na sobrang kinakabahan siya dahil makakasama niya si Ate Guy.

"Sobrang kinakabahan po ako kasi siyempre Superstar po and lahat ng artista pinapangarap na makatrabaho po kayo," pagtukoy ni Kyline kay Nora.

Pero pag-amin ni Nora, siya man ay kinakabahan.

"Tuwing may proyekto ako, hindi lang sa ano pa mang bagay pero lahat ng proyekto na iatang o maibigay sa akin, lahat 'yon, bago mag-umpisa, talagang kabado ko," paliwanag ng batikang aktres, gumanap din noon sa movie version ng "Bilangin Ang Bituin sa Langit."

Ikinatuwa ng fans ni Kyline ang pagsasama nila ni Ate Guy dahil marami raw pagkakatulad ang dalawa. Bukod sa parehong Bikolana,  pareho silang nagsimula sa showbiz sa murang edad at parehong hinahangaan sa husay sa pag-arte.

Sa TV version ng Bilangin Ang Bituin sa Langit,  gagampanan ni Nora ang papel ni Cedes, na ginampanan noon ni Perla Bautista sa film version.

"Dati kasi, 'yung role ni Cedes noon kay Perla namatay siya doon. Pero ngayon yata, hindi. Hindi siya mamamatay at pinalawak 'yung kaniyang role," paliwanag ni Ate Guy.

Gagampanan naman ni Kyline ang karakter ng anak ni Magnolia dela Cruz, na karakter ni Mylene.

"Ako po si Maggi and isa po akong brat dito. So kumbaga ibabalik po 'yung medyo sosya-sosyal side din," kuwento niya.

Sabi naman ni Nora, "Kasi 'yung role niya noon ng anak, si Magnolia, ako rin yata 'yung naging anak. Kaya dalawa 'yung character ko do'n, 'yung bata, saka 'yung nanay."

Makakasama nila sa "Bilangin Ang Bituin Sa Langit sina Zoren Legaspi, Ricky Davao, Ina Feleo, Gabby Eigenmann, Isabel Rivas, Divina Valencia at Yasser Marta.--FRJ, GMA News