Handa na ang pambato ng Pilipinas na si Michelle Dee para sa Miss World 2019, na may mga baong lucky charm na tatak-Pinoy sa pagdating niya sa London. May hiniling din siya sa kaniyang mga kababayan.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing pinusuan ng maraming netizens ang pagbida ni Michelle sa suot niyang Nono Palmos suit na gawa sa handwoven fabric mula sa Yakan weavers ng Basilan, Sulu, sa day one niya sa London.

Bitbit niya rin ang walong maleta para sa halos isang buwang pre-pageant activities at coronation night ng Miss World sa Disyembre 14.

Dumaan sa matinding training si Michelle sa ilalim ng beauty camp na Aces and Queens.

Hands-on din si Michelle sa mga isusuot niyang evening gowns na collaboration nila ng designer na si Francis Libiran, na siya ring gumawa ng kanyang national costume.

"We really played around the concept of making it a modern terno, Maria Clara, we played with tribal prints. It's very golden, it's like I'll look like a sun princess actually," ayon kay Michelle.

Lucky charm niya rin ang kaniyang singsing na pinasadya pa niya

"Philippine eagle with sunrays, this is my lucky charm," anang beauty queen.

May bigay rin ang nanay niyang si 1979 Miss International Melanie Marquez.

"She gave me like jewelry that's made out of shells and abaca and everything just to really bring the Philippines on the global stage," ani Michelle.

Pero ayon kay Michelle, higit pa sa mga pampasuwerte ang baon niyang inspirasyon ng kaniyang advocacy na autism awareness at winning heart para maiuwi ang ikalawang Miss World crown para sa Pilipinas.

Muling humingi si Michelle ng suporta sa pamamagitan ng pagboto sa MobStar app ng Miss World.

"This is such a long time coming. I've poured my heart into training, I've poured my heart into this journey and I hope to really make everyone of you proud. Please, please continue to support me in the multimedia challenge that's thru MobStar. We really have to make one of the fast tracks para makasigurado na we're part of the top 20," panawagan ni Michelle.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News