Sandaling nag-timeout sa taping ng upcoming series na "Descendants of the Sun" si Rocco Nacino para dumalo sa premiere night ng pinabibidahan niyang pelikulang "Write About Love," kasama si Miles Ocampo.

Ayon sa Kapuso actor, very special sa kaniya ang pelikula na kabilang sa mga mapapanood sa Metro Manila Film Festival (MMFF) na ipalalabas sa Disyembre 25.

"Actually itong premiere night I wasn't supposed to be here kasi may taping kami para sa 'Descendants of the Sun.' Actually galing pa akong Tanay. At para hindi ma-traffic nagmotor ako," ani Rocco.

Dumalo rin sa premiere si Senior Vice President for GMA Entertainment Group Lilybeth Rasonable.

Ito ang ikalawang MMFF movie ni Rocco. Taong 2013 nang pagbidahan niya ang biographical film na "Pedro Calungsod: Batang Martir."

 

 

 

 

Ayon kay Rocco, dumating ang mga bagong oportunidad sa kaniyang career dahil sa "Write About Love," na kuwento tungkol sa dalawang tao na gagawa ng romantic story.

Mapanonood ang "Write About Love" sa Disyembre 25.--Jamil Santos/FRJ, GMA News