Sumabak sa Santa Run si Kapuso Primetime king Dingdong Dantes, kaisa ang mga runner na nagbihis Santa Claus.

Idinaos ang Santa Run sa ASEANA City sa Parañaque City dakong alas-singko ng umaga.

 

Kasama pa nila si Santa Claus na tumakbo sa starting point.

Hindi naman napigilan ng ilang runners na mag-fan mode kay Kapuso Primetime king na tumakbo rin na naka-Santa hat pa.

Ayon kay Dingdong, bilang founding chair ng Yespinoy Foundation na beneficiary ng Santa Run, masaya siya na napili ang kanilang foundation.

Ang proceeds aniya na i-dodonate sa Yespinoy Foundation ay mapupunta sa mga nasalanta ng bagyong Tisoy sa Monreal, Masbate.

Ayon naman sa pangulo at general manager ng Corbridge group Philippines, Inc. na si German Panghulan, napapanahon ang Christmas theme nila dahil ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan at pagmamahalan.

Sa Santa Run na-enjoy ng mga runner ang pagpapa-picture kay Santa Claus, paglalaro ng iba’t ibang games, at foam party. —GMA News