Habang naghahanda sa pagsabak sa Miss World pageant sa London, ipinasilip ni Miss World Philippines Michelle Dee ang behind the scenes ng kaniyang buhay-beauty queen.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa video na si Michelle mismo ang nagpa-plantsa ng damit  na gagamitin niya para sa isang shoot para sa Miss World 2019.

"I'm currently just ironing our blue shirt that we're about to wear for our group video that we're about to shoot for miss world," saad niya.

Ayon kay Michelle, kaniya-kaniya sila ng mga kandidata sa paghahanda para sa pageant, at sila-sila mismo ang gumagawa ng mga kakailanganin nila.

Ipinakita rin ng Kapuso beauty queen ang sorpresa na natanggap niya sa kaniyang high school best friend na si Jus Punzalan sa hotel.

Kasama ang kaniyang chef dad, nagbigay ng pabaon si Jus kay Michelle,  ng adobo at garlic rice na talaga namang ikinatuwa ng dalaga.

Ipinakita at ipinaamoy pa niya sa kaniyang kasama sa kuwarto ang natanggap na paboritong pagkain ng mga Pinoy.--FRJ, GMA News