Ipinasilip na ng pambato ng Pilipinas na si Michelle Dee ang national costume na kaniyang gagamitin para sa Miss World 2019, kung saan nagningning siya sa "Philippine Sun Princess" na golden terno.

Sa Chika Minute ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing obra ito ng Filipino designer na si Francis Libiran, na ginawa raw ang national costume sa loob ng dalawang buwan na may 60 tao.

Inspired ng Philippine national flag ang disensyong araw sa collar, na may art deco embroidery na tatak ni Libiran.

Inspired naman ang embrodiery patterns ng Visayan tattoo na batek, na sumisimbolo sa katapangan at tagumpay ng mga Visayan warrior.

Ipinasilip ni Michelle sa kaniyang social media account ang national costume kung saan marami ang napa-wow.

 

 

Samantala, nagtungo na rin sa London ang ama ni Michelle na si Derek Dee para personal na sumuporta sa beauty queen, at manood ng coronation night sa Disyembre 14 sa ExCeL Arena sa London City.

Proud daddy si Derek lalo na sa  performance na ipinakikita ni Michelle, at napanood din niya ang head-to-head challenge ng anak kung saan nanalo ang ating pambato sa kaniyang grupo.

"The way she's performing parang she's peaking at the right time," ani Derek.

Natutuwa rin si Derek sa pagiging sobrang passionate ni Michelle hindi lang para manalo kundi para na rin sa adbokasiya nito na autism awareness.

"Just try her best, but have a good time. Don't pressure yourself. That's it. Enjoy," mensahe ni Derek sa anak.

Nauna nang pumunta sa London ang nanay ni Michelle na si Melanie Marquez at ang mister nitong si Adam at mga kapatid para sumuporta.

Ibinahagi pa ni Michelle online ang bonding moment nila.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News