Tears of joy at pasasalamat ang tumulo sa pisngi ni Bianca Umali nang pagtibayin pa niya ang 10 taon ng pagiging Kapuso sa muli niyang pagpirma ng kontrata sa kaniyang mother network.

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing speechless si Bianca nang alalahanin ang mga blessings na natatanggap niya sa career ngayon.

Marami aniyang natutunan si Bianca sa isang dekada na niyang pagiging Kapuso.

"Patience and to learn from your mistakes and to also know that people love you... Naiiyak na naman ako..." saad ni Bianca.

Bukod dito, labis din niyang pinasalamatan ang mga tumulong at sumuporta para marating ang mga naabot na niya ngayon.

"Just thank you sa lahat-lahat po ng mga tao and of course sa aking mga boss, sa aking network, sa tiwala, sa pagmamahal. Isang karangalan pong maging Kapuso," anang aktres.

Ipinagmalaki ng Kapuso Network bosses ang narating ni Bianca, na bibida sa HBO series na "Halfworlds."

Bukod dito, inanunsyo ring kabilang si Bianca sa isang serye sa Kapuso Network kung saan lalo pang iha-highlight ang galing niya sa pag-arte.

"We told her that she's going to be one of the stars of a new Primetime soap in 2020... it's going to be an exciting story, another game-changer, I will say, with a very exciting and powerhouse cast na nararapat lang for Bianca," sabi ni SVP for Entertainment Group Lilybeth Rasonable.

Kasamang pumirma ni Bianca sina GMA Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon, EVP and CFO Felipe Yalong, Rasonable at AVP for Talent Imaging and Marketing Simoun Ferrer.

"Alam mo si Bianca talagang home-grown 'yan. At ito ang nagpapatunay na itong ating mga home-grown na artista, hindi lamang kinikilala dito sa atin kundi hanggang abroad," saad ni Atty. Gozon.

Pinuri rin ni GMA Worldwide President Atty. Annette Gozon si Bianca.

"She's one of the most talented actresses that we have and of course one of the most beautiful," saad ni Atty. Annette. —JamiLBG, GMA News