Sa panayam ng showbiz press, sinabi ni AiAi delas Alas na mahalaga ang papel ng ninang dahil sila ang itinuturing ikalawang ina ng kanilang inaanak. Kaya naman natanong ang Kapuso actress kung ano klase siya ng ninang?

Noong bata pa raw ang kaniyang mga anak, ikinuwento ni AiAi na dinadamihan niya ang ibinabalot niyang mga regalo sa kaniyang mga anak tuwing Pasko kahit na maliit na bagay lang.

Ang dahilan nito, para marami raw buksan na regalo ang kaniyang mga anak kung sakaling malimutan ng kanilang mga ninong at ninang na regaluhan ang mga bata.

Kaya naman sinabi ni AiAi na hanggang maaari ay nais niyang maregaluhan at maalala niya ng kaniyang mga inaanak. Ayaw daw kasi niyang sumama ang loob sa kaniya ng mga inaanak.

Giit niya, mas malaki ang responsibilidad na maging ninong o ninang sa binyag dahil kasama rito ang paghuhubog sa pag-uugali ng bata.

Nang tanungin kung anong klase siya ng ninang pagdating sa pagreregalo, natatawang tugon ng aktres, "Kapag marami akong pera generous ako, pero minsan kuripot din ako. Depende. Balanse."

Mapapanood ang pelikula ni AiAi na D'Ninang kasama si Kisses Delavin sa Pebrero 22.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News