Kasama sina Rachelle Ann Go at Catriona Gray sa bagong grupo ng mga celebrity at personalities na nabigyan ng sarili nilang star sa Eastwood City Walk of Fame.

"Nakakatuwa. Sobra po akong honored at nakasali po ako dito," masayang sabi ng nagbabalik-bansang international theater actress na si Rachelle sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

Kasama rin nasabigyan ng star sa ika-14 taon ng Walk of Fame ang veteran singer-actress na si Nanette Inventor at American stand-up comedian na may dugong Pinoy na si Jo Koy.

Hinalikan pa ni Jo Koy at humiga siya sa tabi ng kaniyang star.

"Joyous words can’t explain man and to share with my son, my son’s here to be with me and see this man it’s just, it’s beautiful man," sabi ni Jo Koy.

Sabi naman ni Nanette, "I know it was long overdue but everything happens in God’s time and I just thank the Lord for the blessing."

Binigyan din ng star sa News and Public Affairs category ang dating Kapuso anchor na si Jiggy Manicad.

Ang naturang event ay dinaluhan nina GMA Films President Atty. Annette Gozon at GMA First Vice President for Program Management Joey Abacan, na isa sa miyembro ng Board of Trustees ng German Moreno Walk of Fame Foundation.

Pinamumunuan na ngayon ng anak ni Kuya Germs na si Federico Moreno ang German Moreno Walk of Fame Foundation.

Naroon din si Mowelfund President Boots Anson Rodrigo.

Ang Walk of Fame ay ipinagpatuloy ni Federico at ng board of trustees para sa legacy ng namayapang si Kuya Germs.

Nagsilbi rin itong charity event para sa Mowelfund.

"Everything that we get as donations galing sa mga attendees, sa mga inductees, one hundred percent of that goes to the Mowelfund," sabi ni Federico. --Jamil Santos/FRJ, GMA News