Excited na si Rachelle Ann Go na lubos na gampanan ang kaniyang pagiging maybahay sa kaniyang mister niyang si Martin Spies sa bago nilang bahay sa London.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, masayang ikinuwento ni Rachelle ang katuparan ng kaniyang pangarap na magkaroon ng sariling bahay sa London.

"Sobrang pangarap ko talaga kasi na magkaroon ng bahay na sarili... sariling bahay namin sa London. Matagal ko nang pinagpe-pray," ayon sa international theater actress.

Simple lang daw ang two-bedroom home na nakuha nila pero perfect ito para sa kanila dahil mayroon itong garden.

"Meron ding garden eh yung asawa ko he's South African and he loves to grill so I showed him the house and sabi niya that's the one," patuloy na pagbahagi ni Rachelle.

Matapos ang kaniyang role bilang Eliza sa West End Musical na "Hamilton," muling sasabak si Rachelle bilang Fantine sa London Production ng Les Miserables sa Marso.

Ayon kay Rachelle, may magaang lang ang naturang produksyon dahil nagawa na niya dati ang role kaya may pagkakataon siyang makapag-focus na gampanan ang papel niya bilang maybahay sa London.

Pero bago umalis si Rachelle pabalik sa London, may special treat siya para sa kaniyang fans sa homecoming concert sa Valentines Day.

Sabi ni Rachelle, pinapupunta niya sa Pilipinas ang kaniyang mister para manood ng kaniyang concert. Ito raw ang unang pagkakataon na mapapanood siya ng kaniyang mister na magko-concert dahil puro musical daw ang napanood nito. --FRJ, GMA News