Kapuso pa rin ang "Wowowin" host na si Willie Revillame matapos siyang pumirma muli ng kontrata sa GMA Network nitong Lunes, January 20.

Dumalo sa contract signing sina GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto Duavit, Jr., Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, First Vice President for Program Management Joey Abacan, Wowowin director Gab Valenciano, WBR Entertainment Production’s Atty. Alfonso R. Reyno Jr., Atty. King Reyno, at  Atty. Ferdie Domingo.

"Dito, part ka ng pamilya eh. Dito nayakap ka, lahat naman ganon pati dito nararamdaman mo 'yong concern tsaka 'yong walang nasasabing hindi maganda sayo," sabi ni Kuya sa GMA Entertainment reporters.

"Ang sarap ng feeling dito, lahat 'pag nakakasalubong mo mga tao dito, binabati ka. 'Eto talaga 'yong pamilya ko, pangalawang pamilya sa buhay ko," dagdag niya.

Pinuri din niya ang pagkakaisa sa GMA Network.

Inihayag naman ni Atty. Gozon ang paghanga sa husay ni Kuya Wil bilang host.

"Talagang pagdating sa hosting na-develop na ni Willie ang kaniyang galing at siya 'yong tinatangkilik ng mga audience. 'Yon ang sikreto niya eh kaya nagkaroon nga ng additional Saturday [ang show]," pahayag niya.

Ayon kay Kuya Wil, mapapanood na rin tuwing Sabado sa ganap na 7:00 p.m. ang kaniyang programa na tatawaging Wowowin Primetime.

Marso 2015 nang magbalik sa GMA si Kuya Wil at magsimula ang Wowowin na napapanood lang noon tuwing Sabado. Pagkaraan ng ilang buwan, napanood na ang programa mula Lunes hanggang Biyernes.— FRJ, GMA News