Magiging magkaribal sa pag-ibig sina Barbie Forteza at Kate Valdez sa upcoming series na "Anak ni Waray Vs Anak ni Biday." Pero sa tunay na buhay, malayo naman daw itong mangyari dahil very much in love sa isa't isa sina Barbie at Jak Roberto.

Gayunman, ikinuwento ni Barbie kung papaano siya gaganti kay Jak sakaling magtaksil ang binata.

"Subukan mong magpakita sa akin ulit, gupit ang gulong ng motor mo... ganon butas-butas 'yung gulong. Ganung level," natatawang sabi ni Barbie sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras."

Si kate naman, friendship over love daw ang pipiliin.

"'Yung friendship kapag nawala 'yun, mas masakit 'yun kaysa love," paliwanag niya.
Si Migo Adecer ang lalaking makaka-love triangle nina Barbie at Kate sa serye.

"I'm excited and also scared. Kasi alam ko naman na si Barbie sobrang mataas 'yung work ethics niya eh," ayon sa binata.

Samantala, ang gaganap na mommies sa serye na sina Snooky Serna at Dina Bonnevie, bigay-todo raw ang fight scenes. --FRJ, GMA News