Hindi naiwasan ni Klea Pineda na mapaluha nang ikuwento niya ang pinagdaanan niyang depresyon at self-doubt, bago niya maramdaman ang success at pagiging confident sa sarili.

Sa isang magazine photo shoot, nakapanayam ang "Magkaagaw" lead star at napag-usapan ang tungkol sa pagkakaroon ng kompiyansa sa sarili.

"Hindi naman porke't too much skin ibig sabihin sexy na, puwede pa rin naman maging sexy based sa confidence na mayroon ka," pahayag ni Klea sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong BIyernes.

Pero bago raw maramdaman ni Klea ang kaniyang self-confidence, ikinuwento niya na dumanas muna siya noon ng depression at self-doubt.

Emosyonal niyang pagbabahagi, "Ang daming challenges na dumating sa akin, dumating sa point na na gusto ko nang mag-change ng career kasi baka, sabi ko kay Lord, "Lord, bigyan mo ko ng sign kung dito talaga ako."

"And then binigay niya sa akin itong 'Magkaagaw,' and 'yon 'yung pinanghahawakan ko na, 'May plan Ka [Lord] sa akin.' Sabi ko sa kaniya," dagdag ni Klea.

Malaki ang pasasalamat ni Klea dahil top-rating ang pinagbibidahan niyang Afternoon Prime series na "Magkaagaw."

Sa serye, niloko at iniwan ng asawa ang karakter ni Klea na si "Clarisse," pero pinatunayan naman nito na kaya niyang makabangon mula sa mga pagsubok.

Kaya naman dama ni Klea ang internal strength ng kaniyang karakter.

"Your time will come and if that day comes sobrang maa-apreciate mo kasi alam mo sa sarili na pinaghirapan mo siya," sabi ni Klea.

May payo si Klea sa kapwa niyang millennial na nakakaranas din ng pagdududa sa sarili.

"Kailangan mahalin mo sarili mo bago mo gustuhin na mahalin ka ng mga tao... Ikaw lang ang sobrang nag-o-overthink, dapat iniiwasan mo 'yun, kailangan pansinin mo kung ano 'yung magagandang nangyari sa buhay mo," payo niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News