Mga mahal sa buhay ang kasama ng mga single na si Sanya Lopez at Kisses Delavin ngayong Valentine. Pero si Sanya, makiki-third wheel kaya sa date ng kuya niyang si Jak Roberto at girlfriend nitong si Barbie Forteza?

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing BFFs at sisters na agad ang turingan nina Sanya at Kisses matapos silang magkatrabaho sa unang pagkakataon.

Magkasama ang dalawa sa latest episodes ng "Daig Kayo Ng Lola Ko" na "Mermaid for Each Other" kung saan pareho silang gaganap na sirena.

Nagtugma daw agad ang kanilang personalities, at nadiskubre pa nila sa taping na pareho silang dog lovers.

Hindi lang parehong "dog mommys" kundi pareho rin silang single ngayong Valentine's Day.

Ilalaan daw niya ang Araw ng mga Puso sa kanilang pamilya at mga kapatid.

"Sa bahay na lang din mismo, magluluto kami tapos manonod ng movies," ani Kisses.

"Kasama ko lang mga dog ko and 'yung family ko. So kung may date sina kuya, siyempre nakakahiyang [mag-third] wheel pero kung mag-invite sila, okay lang naman sa akin," natatawang sabi ni Sanya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News