Ngayong dalawang buwan nang mag-asawa, binalikan nina Joyce Ching at Kevin Alimon kung paano nagsimula ang kanilang love story. Si Kevin, hindi pa raw kinakausap si Joyce noon dahil sa pagkaka-alala niya, mataray ang aktres.

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing nagkakilala sina Joyce at Kevin sa isang religious conference.

Kuwento ni Joyce, siya ang host ng event at hindi siya kinakausap nang direkta ni Kevin, na siyang direktor.

"Kasi ang pagkaka-alala ko sa kaniya mataray siya eh," paliwanag ni Kevin.

Pero pagkatapos naman nito, sinubukan na ni Kevin na naging close kay Joyce.

"Nakita ko lang talaga 'yung heart niya for God. I think 'yun 'yung pinaka-important na nakita ko. Na nagvo-volunteer siya, kasi volunteering lang 'yun eh," ayon kay Kevin.

Niligawan ni Kevin si Joyce kahit nag-aalangan. Naging awkward pa ang first date nila, pero nagyaya ulit si Kevin ng isa pang date.

"Noong una natutuwa pa ako kasi 'yung tone ng pagsasalita niya, parang, shucks titigil na siya, ayaw na niyang manligaw. Natutuwa ako nang konti. Pero hindi doon nag-end, gusto pa rin niya talaga i-pursue," kuwento ni Joyce.

Matapos ang isang buwang ligawan, sinagot na ni Joyce si Kevin. At dahil sigurado na sila sa isa't isa, sa kasalan din humantong ang kanilang pagmamahalan.

Panoorin sa Tunay Na Buhay ang adjustments nina Joyce at Kevin ngayong mag-asawa na sila.


--Jamil Santos/FRJ, GMA News