Doble buwenas ang tatlong contestant na babae sa "Wowowin" dahil bukod sa wagi na sila sa love life, nanalo pa sila ng house and lot, brand new car, at P1 milyon nang makuha nila ang mega jackpot sa "Wil of Fortune."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hindi nagpatukso sina Wilma Rripoli, Marites Floren, at Hermenis Escobar sa P300,000 na alok ni Kuya Wil sa kahon na kulay pula na kanilang pinili.

Nakasuporta naman sa kanila ang kani-kanilang mga mister bilang kanilang cheering squad.

"Sobrang kabang kaba at hindi po namin talaga alam kung ano ang mararamdaman kasi ang laki na rin po ng offer ni Kuya Wil," sabi ni Wilma.

Kaya naman nang masungkit nila ang Mega Jackpot, sabi ni Marites, "Sabi ko nga po doon sa mister ko, 'Kurutin mo nga ako' kasi parang nananaginip pa po ako."

Magiging malaking tulong daw ang premyong kanilang paghahati-hatian para magbago ang kanilang buhay.

"Meron po kasi kaming kinuhang lupa sa Bulacan... At saka pang renovate po at saka tutulong din po kami sa magulang ko," ani Marites.

"Gusto ko inegosyo po 'yung pera, mahilig kasi ako magluto-luto," sabi naman ni Hermenis.

Ibabahagi raw ni Hermenis ang napanalunan niya sa mga kamag-anak ng kaniyang mister na walang bahay na natitirahan dahil ayon nga sa kasabihan, "love is giving."

"Makakatulog na nang mahaba kasi 'pag bangketa ka, madaling araw pa lang gising ka na," sabi ni Luis Escobar, asawa ni Hermenis.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News