Naging matagumpay ang "Homecoming" concert ng balik-Pinas na si Rachelle Ann Go na ginanap nitong Valentine's Day. Pag-amin niya, natatakot talaga siyang mag-concert dahil matagal na niya itong hindi nagawa.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ilan sa mga inawit ni Rachelle sa concert ay mga Broadway hits tulad ng "I Dreamed a Dream" mula sa Les Miserables kung saan gumanap siyang Fantine; "The Movie In My Mind" ng Miss Saigon kung saan naka-duet niya si Broadway icon Lea Salonga; "Part Of Your World" ng The Little Mermaid, na kauna-unahan niyang musical experience; at "Defying Gravity" ng Wicked.

"Natatakot talaga akong mag-concert, actually ayaw ko talagang mag-concert kasi nga ang tagal ko na ring hindi nagagawa ito. Pero ngayon tapos na, makakahinga na ako, I'm so grateful," sabi ni Rachelle, na anim na taon napahinga sa pagko-concert.

Marami raw naging baon na karanasan si Rachelle, tulad ng kantang Defying Gravity, mula nang pasukin niya ang Broadway.

Nakaranas din daw siya ng depresyon dahil sa pagka-homesick habang nasa London. Pero ang mahalaga, pinatibay siya ng kaniyang karanasan.

"I felt alone you know, I'm so used to having my family around, si mama lagi. But living there, it wasn't easy pero 'yun, masasabi ko na napagtagumpayan ko 'yun," saad niya.

Pagkatapos ng kaniyang concert, magbabakasyon si Rachelle kasama ang asawang si Martin Spies sa Palawan bago bumalik sa London para sa opening season ng Les Miserables.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News