Magbabalik-primetime na si Marian Rivera para sa seryeng "First Yaya" kung saan makakatambal niya sa unang pagkakataon si Gabby Concepcion.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing matagal na raw nakaabang ang naturang para kay Marian pero pansamantalang ipinagpahinga dahil naging priority ng aktres ang kaniyang pamilya.

"Ito finally yung separation anxiety ko at yung pag-aalaga ko sa anak ko medyo na-o-overcome ko na. So very thankful ako sa GMA na talagang hinintay nila yung pakiramdam ko na kaya ko nang magtrabaho ulit," ayon sa Kapuso Primetime Queen.

Very interesting daw ang magiging kuwento ng serye kung saan gagampanan ni Gabby ang role na vice president, na kalaunan ay magiging pangulo. 

Habang si Marian naman ang magiging yaya ng mga anak ni Gabby, at magkaka-developan ang kanilang feelings.

"Nangyayari iyan sa maraming buhay, love kasi has no boundaries. Ako para sa akin, mas gusto kong nakikita yung the lighter side of the president or the lighter side of what happens in a president’s life," ayon sa aktor.

Kayang-kaya naman daw ni Marian ang role bilang yaya dahil napaka-hands on niya sa pag-aalaga ng kaniyang mga anak.

"Malaking magiging factor yun kasi ang hirap umarte ng isang bagay na hindi mo pa nararanasan. At least ito sa 'First Yaya,' yung mga eksena rito naranasan ko na kapag nag-aalaga ng bata," paliwanag niya.

Kasama rin sa cast sina Pilar Pilapil, Sandy Andolong, Glenda Garcia, Pancho Magno, Kelvin Miranda, Princess Aguilar at Baeby Baste, sa ilalim ng direksyon ni L.A. Madridejos.

Mapapanood din sa serye si Cassy Legaspi, na first time na aarte sa isang teleserye.

Natutuwa rin daw siya na maging bahagi ng show na magpapakita ng halaga sa mga yaya dahil siya mismo ay lumaki rin sa pag-aalaga ng kaniyang yaya Cora.

"Before parang mother figure ko siya and then growing up our relationship progressed; ngayon parang best friends," kuwento niya. --FRJ, GMA News