Ipinaliwanag ni Maine Mendoza kung bakit iba't ibang klase ng wipes ang ibinabaon niya sa kaniyang pouch bilang pag-iingat na rin sa kaniyang kalusugan.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, ipinasilip ni Maine ang mga kadalasan niyang dinadala sa tuwing shooting ng sitcom nila ni Bossing Vic Sotto na Daddy's Gurl.

Hindi raw mawawala rito ang kaniyang pouch na punong puno ng wipes.

"Iba't ibang klaseng wipes, meron sa kamay, meron sa mukha, meron sa *toot*, meron sa sapatos, lahat, lahat ng klaseng wipes. Sa buhok," sabi ni Maine.

"Adik kasi ako sa wipes. Medyo Germophobe ako," pag-amin ng "Phenomenal Star."

Bukod sa wipes, hindi rin mawawala sa bag ni Maine ang alcohol.

"Alam niyo naman, uso ngayon ang sakit so kailangan lagi tayong mag-a-alcohol lalo na kung anu-ano 'yung hinahawakan natin," sabi pa ni Maine.

Ipinakita ni Maine ang iba pa niyang taping essentials, tulad ng water bottle at electric fan. —Jamil Santos/LBG, GMA News