Hindi isa, hindi dalawang,  kung hindi tatlo ang magiging leading ladies ni Dennis Trillo sa bagong Kapuso series na "Legal Wives."  Ito ay sina Alice Dixson, Megan Young at Bianca Umali.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing challenging at kakaiba ang gagampanang role ni Dennis bilang isang Maranaw Muslim royalty, na may tatlong asawa, na pinapayagan sa naturang kultura at relihiyon.

"Sigurado mga napanood natin na tungkol sa mga polygamy, 'yung talagang bawal eh. Pero dito, first time legal siya so ano kaya mangyayari doon sa samahan na iyon 'di ba?" sabi ni Dennis.

First wife ang role ni Alice, na mulat sa kultura ng mga Muslim dahil minsan na siyang tumira sa Middle East.

"Napaka-open ng pag-iisip ko sa ganitong mga kuwento and I welcome it because it's true, these kind of stories na we get to learn about other people at hindi tayo nagiging saradong isip," ayon kay Alice.

Pangalawang asawa naman si Megan na isang Katoliko.

"One of the main focal points of the show is to show people na just because you don't practice it doesn't mean na it's wrong, kasi lahat tayo may mga practices, it could be with our religion, with our culture," ani Megan.

Matapos gumanap bilang si Sahaya na isang Badjao, isang Maranaw naman ang gagampanan ng ikatlong asawa na si Bianca.

Ito na raw ang pinaka-mature na role na gagampanan ni Bianca sa telebisyon.

"It's actually fun. I like immersing myself to different cultures and 'yun nga, tulad ng Sahaya, ang dami ko rin po kasing natututunan," sabi ni Bianca.

Kabilang din sa cast sina Cherie Gil, Al Tantay, Bernard Palanca, at Kevin Santos.

Magtatambal din para sa kanilang unang teleserye sina Startruck 7 Ultimate Female Survivor Shayne Sava at Starstruck 7 finalist Abdul Rahman na isang Muslim.

Isinulat ni Suzette Doctolero ang kuwento at ididirek naman ni Zig Dulay.--Jamil Santos/FRJ, GMA News