Nabahiran ng kontrobersiya ang umano'y civil wedding nina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo matapos na saktan daw ng aktor sa isang bodyguard sa labas ng isang hotel sa Taguig.

Batay sa police report, sinuntok umano ni Matteo sa lalamunan ang security detail nang dumating sa lugar ng kasal ang ina ni Sarah na si Mommy Divine.

Nangyari umano ang insidente sa labas ng isang hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig dakong 11 p.m. noong Huwebes.

Nagtungo umano sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Jerry Tamara, 31, dakong 3:27 a.m. nitong Biyernes para ipa-blotter ang nangyari.

Nagpakilala si Tamara na nagbibigay ng seguridad sa pamilya ni Sarah, at close-in security ng actress-singer sa naturang civil wedding.

Kuwento niya sa report, nagkaroon ng "eksena" nang dumating sa lugar ang ina ni Sarah nang hindi inaasahan. Hiniling daw ng ina ni Sarah na makausap ang anak dahil hindi niya alam ang tungkol sa kasalan.

Matapos nito ay pinagbintangan umano ni Matteo si Tamara na siyang nagsabi kay Divine tungkol sa detalye ng kasal at sinapak siya ng aktor sa lalamunan.

Kumuha umano ng temporary medical certificate ang bodyguard at wala namang planong magsampa ng kaso laban sa aktor.

Nitong nakaraang Nobyembre nang mapaulat na engaged na sina Matteo at Sarah at magkarelasyon na mula pa noong 2014. —FRJ, GMA News