Dahil tungkol sa pagkadesperado ang bago niyang single na 'Lagi Na Lang,' natanong si Kristoffer Martin kung naniniwala rin siya sa lyrics na dapat naghahabol pa rin ang mga lalaki sa mga babae kahit hindi sila gusto ng mga nito.

"Siyempre naman! Lalaki tayo, tayo ang maghahabol sa mga kababaihan natin! Pero dapat isa lang ang hinahabol. 'Pag ayaw, huwag umasa. Basta isa lang!" sabi ni Kristoffer sa GMA News Online kamakailan kasabay ng release ng kaniyang kanta.

Masaya ang naging Valentine's Day ni Kristoffer.

"Okay naman. Happy ako sa Valentines. Nag-work kasi ako ng Valentine's... Nag-celebrate ako ng Valentine's prior ng Valentine's Day," saad ng aktor.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

My favorite Valentine’s day buddy. Happy Valentine’s Day everyone!

A post shared by Tun (@kristoffermartin_) on

 

"Dinner lang, the usual dinner, bigay ng bulaklak. Importante naman 'yung mai-celebrate mo 'yun sa taong gusto mong makasama ng Valentine's," dagdag ni Kristoffer.

Napakinggan na rin daw ng kaniyang kasintahang si AC Banzon ang bago niyang single.

"Oo. Na-cute-an siya. Nakita niya, sabi niya, 'Ganiyan ka ba?' Sabi ko 'Hinde!' Hahaha," natatawang kuwento ni Kristoffer.

Ayon kay Martin, bagama't may pagkadesperado ang lalaki sa lyrics, mayroon namang aral na matututunan sa awitin.

"'Yung Lagi Na Lang, tine-take ko siya as kung paano mo ii-improve kasi 'yung sarili mo... Kasi 'yung song desperate na siya eh, 'yung message kasi ng song sobrang desperate na ng taong kumakanta, na wala na siyang nakukuha, umaasa siya, lagi na siyang nasasaktan, kumabaga ayun na 'yung room for improvement eh. Kumbaga alam na niya sa sarili niyang may mali siya," sabi ni Martin.

"Kaya para hindi na lang na lagi siyang nasasaktan, baligtarin niya 'yung 'lagi' niya. Lagi na lang siyang masaya. Ganoon dapat. Kumbaga i-improve niya, baguhin niya 'yung sarili niya para hindi siya nasasaktan," dagdag pa niya.

Aasahan pa raw na marami pang awitin na mapapakinggan mula kay Kristoffer, na mahilig sa hugot songs, lalo ang mga acoustic. —Jamil Santos/LBG, GMA News