Naantig si "Superstar" Nora Aunor at ang Eat Bulaga "Dabarkads" nang mapakinggan nila ang iba't ibang kuwento ng mga taong may asawa na may iniindang malubhang sakit kung saan ang ilan, nag-agaw buhay pa.

Si Randy, ikinuwentong nasa Stage 3B ang cervical cancer ng asawa niyang nag-OFW sa Macau nang limang taon.

Tatlo ang kanilang anak, at namamasada si Randy.

"Palagi po kasi sinasabi sa akin na 'Hindi ko na kaya.' 'Kaya mo yan,' sabi ko sa kaniya. 'Bibitiw na ako,' 'Huwag, maliliit pa yung mga anak natin, laban lang, kakayanin natin yan'" kuwento ni Randy na usapan nila ng kaniyang asawa.

Si nanay Eneng naman, anemic ang mister at namamaga ang bituka. Taong 2015 nang ma-stroke ang kaniyang asawa at hindi makapagsalita.

"Lumaban siya at magpagaling, para maayos pa rin ang pagsasama namin. Siyempre 'yun ang [hiling] namin, gumaling siya," mensahe ni Nanay Eneng sa kaniyang mister.

Hindi naman napigilan ni Paolo na maluha sa kuwento nina Randy at nanay Eneng.

Ikinuwento naman ni Nanay Tes na nagka-anyeurism ang kaniyang mister na si Rolly nitong 2019, kung saan anim na araw itong comatose, 17 araw sa ICU ,at 42 araw sa ospital.

Napaluha si Ate Guy sa palitan ng mensahe nina Nanay Tess at Tatay Rolly.

"Mommy, thank you sa pangalawang buhay. Kung wala ka wala rin ako. I love you. Tandaan mo, ikaw lang ang mahal ko," sabi ni Tatay Rolly kay Nanay Tess.

"Pa nandito lang ako sa hirap at ginhawa, nandito lang ako, lagi kitang aalagaan," sabi naman ni nanay Tess kay Rolly.

Inilahad naman ni Vida na na-diagnose ang kaniyang mister ng chronic kidney disease noong 2017 at na-confine ng 17 araw sa ospital.

Tatlong taon na ito ngayong nagda-dialysis at tuloy-tuloy ang therapy.

Nag-flatline pa raw ang kaniyang asawa habang naka-confine.

"Sampung doctor, lahat ina-assist siya, ako nandoon lang sa tabi. Tapos nakita ko nag-flat line na pero wala silang sinasabi sa akin. Talagang nire-revive siya," kuwento ni Vida.

Matapos naman ang dalawang minuto, na-revive ang kaniyang asawa, at nagulat ang mga doktor dahil "very rare" ang naging sitwasyon nito.

"Sabi ko nga sa kaniya, 'Basta wag kang mapapagod, wag ka magsasawa, basta magkasama nating haharapin ito. At saka yung pamilya namin, lagi naman silang nakasuporta kaya okay na okay naman po ako," sabi ni Vida.

"Kahit naman kami okay din eh," pabirong sabi ni Bossing Vic na emosyonal sa kuwento ni Vida. — Jamil Santos/DVM, GMA News