Ngayong lalagay na rin sa tahimik si Kris Bernal sa kaniyang fiance na si Perry Choi, may hiniling ang Kapuso actress sa kaniyang dating ka-love team na si Aljur Abrenica.

Sa video post ni Kris, makikitang masayang nagkita ang dating Kapuso love team sa gym.

Kahit nagkahiwalay sa tambalan at may kani-kanila nang buhay, nanatili namang magkaibigan ang dalawa.

Kasabay ng kamustahan, binati rin nila ang isa't isa.

Ang kay Aljur ay para sa bagong baby nila ni Kylie Padilla; habang si Kris ay dahil sa engagement nila ni Perry.

READ: Kris Bernal, may sorpresa sa birthday ng nobyo pero siya ang higit na nasorpresa

Natatawang sinabi ni Kris kay Aljur na, "Ang tatanda na natin!"

 

Sabi ni Aljur, looking forward siya sa kasal ni Kris.

Kaya naman sinabihan ni Kris na dapat pumunta si Aljur at isama si Kylie.

Hiniling pa ni Kris kay Aljur na mag-promise, na ginawa naman ng aktor, at sinabing isasama rin ang mga anak nila ni Kylie.-- FRJ, GMA News