Sinorpresa si Jillian Ward ng kaniyang "Prima Donnas" co-stars at production team para sa kaniyang ika-15 kaarawan. Ang hiling naman niya sa kaniyang kaarawan, kaagad daw natupad.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ang pagkakaroon ng dagdag na araw ng pagpapalabas ng kanilang series at patuloy na mataas na ratings ang ilan sa naging birthday wish ng teen star.

"'Yung hanggang Saturday po namin winish ko po ito para sa birthday ko. Sana i-birthday gift na lang po sa akin ni God na 'yung hanggang Saturday and ayun po natupad," saad ni Jillian.

Magandang kaarawan din para kay Jillian ang consistent na mataas nilang ratings, at nitong Lunes ay naitala ang pinakamataas na ratings ng show.

Sa naturang episode, ipinakita ang pag-aaway ng mga karakter nina Elijah Alejo at Sofia Pablo, na sina Brianna at Lenlen, kung saan nahulog sila sa hukay.


 

Inamin naman ni Sofia na natakot pa siya sa kanilang eksena.

"'Di ba nu'ng nagte-take, sabi ko 'Direk wait lang," natatawang kuwento ni Sofia.

"Tanong po siya na tanong nu'n, actually 'Malalim ba 'yan? Hindi ba masakit mahulog diyan?'" sabi naman ni Elijah.

Inihayag ni "Brianna" na marami pa siyang pinaplanong kasamaan sa tatlong Donna.

"Abangan may mang-aaway na naman," saad ni Althea.

"Abangan niyo na lang po kung ano pa po 'yung mga bad na gagawin ni Brianna sa tatlo especially kay Mayi," ayon kay Elijah.

Bagama't laging nagbabangayan sa serye sina Mayi at Brianna, napag-alaman na matalik na magkaibigan sina Elijah at Jillian mula pa pagkabata.

"Eleven years na po kaming magkaibigan," ani Jillian.

"Opo hindi pa po kami nagiging artista," tugon naman ni Elijah.

May bago ring karakter na pumasok sa kuwento na ginagampanan ni James Blanco.

"Ito pong bagong character na po ito magbubukas po ng mga bintana para po mag-clear po 'yung isip ng mga viewers," sabi ni Jillian.--Jamil Santos/FRJ, GMA News