Inihayag ni Jennylyn Mercado na naging mahirap na parte ng kaniyang showbiz career ay nang mabuntis siya at nangamba na baka mawalan na siya ng trabaho.

"Pinakamahirap na part kasi para sa akin 'yung nabuntis ako. Ayokong iwan 'yung showbiz, but 'yung feeler na baka wala nang tumanggap sa akin after giving birth," saad ni Jennylyn sa #RealTalk ng GMA Public Affairs.

"Baka hindi na nila ako matanggap kasi may anak na ako. Hindi ko alam kung magkakaroon pa ako ng chance makabalik," pagpapatuloy ni Jen.

Ngayon, hindi na raw masyadong iniinda ni Jennylyn ang mga pagsubok.

"Hindi ko naman masasabi na sanay akong mag-handle ng mga problema or pressure. Sa dami na ng pinagdaanan ko hindi ko na siya masyadong iniinda. Mas naka-focus ako doon sa solution kaysa doon sa problem," saad niya.

Gumaganap si Jennylyn bilang si Dr. Maxine dela Cruz sa Philippine adaptation ng Descendants of the Sun.

"Isa ito sa mga projects na pinaka na-excite ako noong malaman ko na ako 'yung gaganap bilang Dr. Maxine," sabi ni Jen.

Ikinuwento rin ng aktres kung papaano siya napunta sa showbiz at ano ang mga maipapayo niya sa mga bagong artista. Panoorin ang video sa itaas. --FRJ, GMA News