Pumanaw na ang beteranong aktor na si Domingo "Menggie" Cobarrubias nitong Huwebes sa edad 68 dahil sa pneumonia.

Kinumpira ito ng anak niyang si Gino Cobbarrubias sa GMA News Online sa isang private message.

"My father passed away 8:20 a.m. as per my mother," saad ni Gino.

"He died due to pneumonia complications. We are still awaiting his test results for COVID-19," dagdag niya.

Isang araw bago siya pumanaw, nakapag-post pa si Menggie ng "Good bye" sa kaniyang Facebook.

Bago siya pumanaw, nag-post din ang kaibigan niyang si Lui Quiambao Manansala Huwebes ng umaga na humihingi ng panalangin para kay Menggie, na nasa "critical condition" habang hinihintay ang COVID-19 test results.

Huling napanood si Menggie sa Kapuso series na "Beautiful Justice" bilang si Presidente Ricardo San Jose.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang ilang celebrities sa pagpanaw ni Menggie.

 

—Jamil Santos/LBG/FRJ, GMA News