Personal na naka-relate daw si Psalms David sa debut single niyang "Di Na Magtatagal," na tungkol sa hiwalayan at pagtanggap dito kahit gaano man kasakit.

"It's a song of heartbreak. It's a song about lovers, na 'yung guy nararamdaman niya na hindi na siya mahal ng babae, na parang wala nang patutunguhan ang relasyon nila. Kaya siya na 'yung namaalam, siya na 'yung bumitaw kahit mahal na mahal niya, kasi nararamdaman niya na hindi na siya mahal," saad ni Psalms.

“I can very much relate to the song, not just because I already experienced it but because it made me more aware about the realities of love and relationships,” dagdag pa ng The Clash season 1 alumnus.

Sa panulat ni Mark Moses Valdellon, inaalay daw ni Psalms ang "Di Na Magtatagal" sa mga katulad niyang nakaranas na ng mga problema habang nasa isang relasyon.

Sumasalamin aniya ang kanta sa pagtanggap ng kamalian at pagpapalaya ng isa’t isa, kahit gaano man ito kasakit.

Available ang "Di Na Magtatagal" sa Apple Music, Spotify, YouTube Music, at iba pang digital stores. --FRJ, GMA News