Laking pasasalamat ng isang dialysis patient na kabilang sa mga mapalad na nanalo sa biglaang online show na  "Tutok To Win" na binuo ni Kuya Wil para magpasaya at makatulong sa mga nahihirapan ngayong umiiral ang community quarantine dahil sa COVID-19.

Pumipili ang programa ng tatawagan at mananalo ng hanggang P10,000, at kabilang sa natawagan si Angelina na napag-alaman na dialysis patient at umaasa lang sa kaniyang kapatid.

Pero dahil sa umiiral na community quarantine, nahihirapan daw ang kaniyang pamilya para sa kanilang gastusin at sa pagpapagamot sa kaniya, at sa ina niyang na-stroke.

Sa halip na P10,000 na ipadadalang premyo, dinagdagan ni Kuya Wil ng P5,000 ang ibibigay sa kaniya para sa pagpapa-dialysis.

Labis naman itong ipinagpasalamat ng dalaga na malaking tulong daw sa kanila.

Samantala, nakapag-usap naman sa pamamagitan din ng telepono sina Willie at "Hipon Girl" Herlene.

"Nami-miss ko na kayong lahat [kuya] Wil!" pahayag ni Herlene, na naabutang kumakain ni Kuya Wil.

"Kamusta ang buhay mo? Marami ka namang naipon eh, marami kang pera eh," pagkamusta ni Kuya Wil sa kaniyang Wowowin co-host.

"Wala na naubos na ng quarantine," pabirong sabi ni Herlene.

Nagpaabot din ng mensahe si Herlene sa mga kababayan ngayong nahaharap ang bansa sa banta ng COVID-19.

"Sa mga kababayan ko diyan, 'wag kayong mawawalan ng pag-asa, malapit nang matapos ang mangyayari. Basta po makinig lang po palagi na bawal lumabas para lahat po tayo makalaya na sa kung anong kulungan nasaan po tayo. Kasi lahat po tayo nahihirapan," sabi ni Herlene.

"Kung makikipag-isa po kayo, lahat po tayo magkakaisa, maaga pong mawawala ang COVID na yan. Puksain po natin nang sama-sama. Basta po makinig lang po at maging malinis po, maligo palagi. At saka mag-alcohol, kumain nang maayos, mag-gulay tapos exercise sa umaga kahit nasa bahay lang po kayo," ayon pa kay Herlene.

Samantala, inanunsyo rin ni Willie ang bago nilang pakulo na "Search Quarant" para sa mga pamilyang marunong magdrama, sumayaw, kumanta.

Makakakuha agad ang pamilyang sasali ng P5,000. At kapag nananalo, makatataggap sila ng P10,000.

Makatatanggap naman ng P20,000 cash ang tatanghaling grand winner.

Kailangan lamang ng "talentadong" pamilya ang kanilang video na nasa dalawang minuto ang haba.--FRJ, GMA News