Nakatulong na sa mga frontliner, nakapagbigay pa ng payo si Jeric Gonzales sa Healing Hearts sessions nang magamit niya ang kaniyang pagiging nursing graduate para i-demonstrate sa netizens ang proper handwashing.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing sina Derrick Monasterio at Jeric naman ang sumalang sa Healing Hearts sessions, at hindi makapaniwala ang Kapuso hunks na magiging mainit ang pagtanggap sa kanila.

Ipinasilip ni Jeric ang bago niyang single na "Line To Heaven" bilang sorpresa sa fans, na angkop din sa nararanasan ng mga Pilipino.

"Sobrang proud ako doon sa kantang 'yon kasi it was a hit way back 90s and napakagandang kanta ng INTRoVOYS nina Paco [Arespacochaga]. So I'm proud na i-share 'yun sa kanila na may bago akong single. And then doon pa sa Healing Hearts para makatulong sa mga kababayan natin," sabi ni Jeric.

Pinaunlakan naman ni Derrick ang iba't ibang requests sa kaniya, kabilang ang pagkanta ng broadway at opera songs.

Na-challenge aniya si Derrick sa kaniyang pagkanta.

"Kasi usually ang ginagawa ko kapag nagko-cover ako, ina-adjust ko 'yung pitches. So 'pag by requests, 'pag live then minus one, minsan mataas. Minsan mid-song babati ka muna," kuwento ni Derrick.

Pero mas na-challenge pa ang dalawa nang hindi lang pagkanta ang i-request sa kanila ng fans.

Kaya naman si Derrick, napa-demo ng basketball skills sa kaniyang kuwarto.

"Yun nga, ang weird na may nakita lang silang court, may hawak akong bola tapos 'yung mga request na nila i-shoot, 'Okay sige gagawin o para sa inyo,'" kuwento ni Derrick.

Si Jeric naman, nagamit ang kaniyang pagiging nursing graduate sa pag-demo ng handwashing.

"Napa-demo ako bigla kasi nagsasalita ako about sa nangyayari, about sa COVID-19, so hindi ko na namalayan, nagde-demo na pala ako ng handwashing. Sabi ko, makakatulong din 'yun," ani Jeric.

Sa huli hinimok nila ang fans na mag-donate para sa mga frontliner.

Maaari pa ring tumulong kahit nasa bahay lang. Magpunta sa www.ticket2me.net at hanapin ang Healing Hearts. Ang malilikom na pondo ay mapupunta sa GMA Kapuso Foundation. -Jamil Santos/MDM, GMA News