Nakatawag ng pansin sa Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang collage artwork ng kaniyang imahe na ginawa ng isang lalaki gamit ang mga ni-recycle na mga "balat" o wrapper ng Ding Dong nuts.

Sa pag-retweet ni Dingdong sa GMA News report tungkol sa artwork ng artist na si James Permisa Lumagod, nilagyan niya ito ng caption para purihin ang naturang obra.

"His creativity is making me go nuts!! Hanep!," saad ni Dingdong, na nagpahayag din na nais niyang makita nang personal ang artwork kapag natapos na ang enhanced community quarantine.

"When this is over, baka naman puwedeng makita in person? Gujab ka, parekoy! " he added.

 

 

Sa panayam ng GMA News Online tungkol sa kaniyang obra, sinabi ni James na gumamit siya ng hard plywood bilang canvas, Ding Dong wrappers, gunting at glue.

 

Collage art by James Permisa Lumagod
Collage art by James Permisa Lumagod

 

Sabi pa ni James, sinimulan niya ang obra sa pagguhit bilang outline ng imahe ng aktor at pagkatapos ay isa-isang idinikit ang mga ginupit niyang balat ng Ding Dong.

"'Yong iba po diyan (na Ding Dong) eh binili ko po sa tindahan pang-snacks, at iba po diyan ay pinulot pulot lang po para ma-recycle at may use po," kuwento niya.

Ayon pa kay James, sadyang gumagamit siya ng plastic wrapper sa kaniyang mga artwork para mag-recycle.

"Para 'yong plastic na akala natin basura po ay pwede pala siyang gawing art," saad niya. — FRJ, GMA News